Bagong terminal ng bus pa-timog, ikinalito

ABS-CBN News

Posted at May 05 2017 11:17 PM

Watch also in iWantv or TFC.tv

Nalito ang maraming pasahero sa unang araw ng operasyon ng Southwest Integrated Provincial Terminal o SWIPT sa Parañaque.

Noong Lunes pa dapat nailipat sa HK Sunplaza ang SWIPT, pero may mga inayos pa ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) kaya ngayong araw lang naiskedyul ang soft opening. 

Nalito ang ilang pasahero dahil hindi raw sila nasabihan tungkol sa pagbabago.

Pero sabi ng MMDA, hindi sila nagkulang sa mga abiso. 

Matumal din ang dating ng mga pasahero sa bagong terminal.

Ang loading and unloading area ng mga lumipat na bus, maayos nang nakasalansan, at may mga kaukulang signage ng mga biyahe.

Hindi naman natutuwa ang tenants sa lugar dahil sa tapat mismo nila ipinuwesto ang loading and unloading area. Baka raw malugi sila sa ganitong sitwasyon. 

Ayon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board, kalahati lang sa 800 bus na may operasyon sa lumang terminal ang lehitimo kaya hindi bumiyahe ang mga kolorum na bus kanina.

May lugar na rin sa terminal para sa mga jeepney na dating ilegal na nakaparada sa Baclaran. Inaayos na rin ang lugar para sa mga napaalis na Baclaran vendors na siyang bibigyang prayoridad na magkaroon ng puwesto roon.

-- Ulat ni Doris Bigornia, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.