Rollout ng Sputnik V inumpisahan na sa Maynila

ABS-CBN News

Posted at May 04 2021 09:52 AM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA - Ngayon Martes ang unang araw ng pagtuturok ng COVID-19 vaccine mula Russia na Sputnik V sa Metro Manila.

Dumating ang naturang bakuna sa bansa noong weekend at nitong Lunes ay naipamahagi ito sa limang lungsod sa Metro Manila. Ito ay ang Makati, Taguig, Parañaque, Muntinlupa at Maynila.

Nasa 15,000 doses muna ang dumating bilang trial dahil kailangan muna ng mas malamig na storage facility kumpara sa mga naunang vaccines na Sinovac at AstraZeneca.

Tig-3,000 doses ang ibinigay sa limang lungsod sa Metro Manila.

Sa Maynila, gagawin ang unang Sputnik V vaccination sa Sta. Ana Hospital para sa mga medical frontliners. Paalala ng lokal na pamahalaan ng Maynila na dalhin lang ang printed waiver form o ang QR code na ibinigay sa registration.

Ang Parañaque ay mayroon din Sputnik V vaccination ngayon para rin sa mga health worker at mga may comorbidity na gagawin sa cinema area ng Ayala Malls Manila Bay.

Ang mga senior citizens naman ay maaari rin magpabakuna sa second floor ng parehong mall sa may Luzon Exhibit Area.

Ang iba namang lungsod gaya ng Makati, Muntinlupa at Taguig ay mayroon din scheduled vaccination ng Sputnik V Martes ng hapon o sa mga susunod na araw.


- TeleRadyo 4 Mayor 2021