Pedicab driver hinangaan dahil sa pamimigay ng face shield, face mask, alcohol

ABS-CBN News

Posted at May 04 2021 07:54 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA - Hindi naging hadlang sa isang pedicab driver ang kahirapan lalo na ngayong pandemya para makatulong sa kapwa sa abot ng kaniyang makakaya.

“Kahit kapos tayo sa financial, hindi naman balakid sa atin ang tumulong sa kapwa,” sabi ng pedicab driver na si Rogelio Cañares.

Nag-viral sa Facebook ang ibinahaging litrato ni Camille Joselle Vicente tungkol sa ipinamimigay na face shield, face mask at alcohol ni Cañares.

Kuwento ni Vicente sa TeleRadyo Martes ng umaga, pauwi na siya nang masakyan ang pedicab ni Cañares sa San Mateo sa Rizal, at napansin ang inaalok nitong libreng face shield, face mask at alcohol.

“Sobrang natuwa ako, kaya pasimple kong pin-picture-an yung pedicab ni tatay sa loob. Tapos, pinost ko. Hindi ko naman akalain na maraming makaka-appreciate sa ginagawa ni tatay. Grabe ang reaction ng mga tao, ang daming nag-share ng post ko,” sabi ni Vicente.

Mula sa personal na pera kinukuha ni Cañares ang ipinambibili niya ng mga ipinamimigay na face shield, face mask at alcohol. Laking tulong din aniya kapag hindi na kinukuha ng kaniyang mga pasahero ang sukli sa pamasahe.

Naisip aniya ang nasabing inisyatibo dahil may mga naisasakay siya sa madaling araw na nakakalimutan ang kanilang face shield at magdodoble pa sa pamasahe dahil kailangang balikan nila para kunin.

“Pag madaling araw na papasok, hindi sila pasasakayin sa bus o sa jeep dahil walang face shield. Hindi sila makakabili dahiil sarado pa mga tindahan. Kaya naiisip ko po magdala ng face shield para makatulong ako, kahit sa maliit na bagay, sa kapwa ko,” sabi niya.

Hiling niya na sana ay makapagbigay-inspirasyon sa iba ang kaniyang ginawa at makatulong din sa iba.

“Sana marami pa ang gumaya,” saad niya.

Para naman sa nais na magbigay ng tulong pinansiyal para maipambili pa ng maraming protective gear na pwedeng ipamigay ni Cañares, maaaring magpaabot ng tulong sa GCash ni Vicente sa numerong 0905-9312053.

- TeleRadyo 4 Mayo 2021