PatrolPH

Malawak na grassfire sumiklab sa Bacoor

ABS-CBN News

Posted at May 01 2021 08:52 AM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA - Sumiklab ang sunog sa isang bakanteng lote sa Molino Boulevard, Barangay Niog III sa Bacoor, Cavite, Biyernes ng gabi hanggang Sabado ng madaling araw. 

Nakunan ng video ni Kapitan Alfie Gawaran, chairman ng kalapit na Barangay Bayanan, ang insidente matapos mapadaan sa lugar.

Sa kanyang video, makikita ang malawak na lote na nasususnog.

Wala namang istruktura sa lugar, ngunit pinangangambahan na kumalat ang apoy at gumapang sa residential area dahil mahangin. Maraming bahay ang nasa paligid ng sunog at malapit din dito ang isang mall. 

Ayon kay Gawaran, posibleng mabilis ang pagkalat ng apoy dahil sa tuyot na ang mga damo at mainit ang panahon. 

Umabot sa unang alarma ang sunog dahil na rin sa lawak ng nasunog na lote. Dumating naman agad ang mga bombero at naapula ang apoy bago mag alas-dos ng umaga. 

Ayon sa Bacoor Disaster Risk Reduction and Management Office, wala naman nasaktan sa sunog at hindi na umabot sa mga kabahayan. Inaalam na kung ano ang pinagmulan ng sunog.

- TeleRadyo 1 Mayo 2021

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.