#WalangTubig: Pagpalya ng suplay ng Maynilad dahil sa lumot

ABS-CBN News

Posted at May 01 2019 11:58 AM

Watch also in iWant or TFC.tv

Lumot ang sanhi ng water interruption ng Maynilad na nakakapekto sa 290,000 bahay sa ilang lungsod, sinabi ng isang opisyal ng kumpanya, Miyerkoles. 

Nagkakaroon ng lumot sa Laguna Lake na isa sa mga pinagkukuhanan ng tubig kapag sobrang init ng panahon at matagal nang hindi umuulan, paliwanag ni Maynilad corporate communications head Jennifer Rufo. 

Hindi aniya pangkaraniwan ang dami ng lumot sa lawa kamakailan at kumalat na ito 500 metro mula sa paligid ng treatment facility ng Maynilad doon. 

Dagdag ni Rufo, bumabara ang lumot sa mga filter na pinangsasala sa tubig kaya mas madalas itong kailangan linisin. 

"Ito pong tubig na ginagamit natin panglinis ng ating filters, imbes po na inilalabas natin sa ating distribution system, nagagamit po siya for cleaning kaya bumagsak po ang ating produksyon," sabi ni Rufo sa panayam ng DZMM. 

Makakaranas ng mababang pressure o kawalan ng tubig nang ilang oras ang ilang barangay sa Parañaque, Las Piñas, Muntinlupa, at Cavite hanggang Mayo 14, una nang inanunsyo ng Maynilad. 

Magpapadala ng water tankers ang kumpanya sa mga naturang lugar, ani Rufo. 

Wala naman aniyang problema ang ibang lugar na siniserbisyohan ng Maynilad at hindi kumukuha ng tubig mula sa Laguna Lake. 

DZMM, 1 Mayo 2019 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.