PatrolPH

4 Chinese na POGO workers nasagip mula sa umano’y forced labor sa Parañaque

ABS-CBN News

Posted at Apr 30 2022 07:44 AM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA – Nasagip ng pulisya ang apat na mga Chinese national na sapilitan umanong pinagtrabaho at hindi pinalabas sa pinapasukang POGO sa Parañaque City.

Ayon sa pulisya, March 31 nang hindi na umano pahintulutang makauwi ang apat na Chinese na kinilalang sina alyas Dedi, Feng, Ying at Ping.

Noong Huwebes, April 28, nakatanggap umano ng mensahe ang live-in partner ni Dedi na mag-iisang buwan na silang pilit pinagtatrabaho ng walang natatanggap na sahod.

Agad nitong ibinigay ang kanilang lokasyon sa Pascor Drive, Barangay Santo Niño at dito na nagkasa ng operasyon ang pulisya.

Nahuli ng mga operatiba ang mga operator ng naturang offshore gaming services na sina alyas Henry, isang Indonesian national; at alyas Chen at Bo na mga Chinese din.

Tumanggi naman nang magbigay ng pahayag ang mga nahuli na nahaharap sa kasong serious illegal detention. – Ulat ni Reiniel Pawid, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.