Ilang PUV driver patagong bumibiyahe para may makain sa gitna ng lockdown

ABS-CBN News

Posted at Apr 30 2020 09:46 AM | Updated as of Apr 30 2020 10:35 AM

Watch also in iWant or TFC.tv

Ilang mga public utility vehicle drivers ang patagong bumabiyahe sa ilang mga barangay ng Quezon City nitong Huwebes para may mapakain sa kanilang mga pamilya sa gitna ng lockdown.

Ayon kina alyas John, 35, isang jeepney driver, at Rey, isang tricycle driver, matagal na silang nagpalista sa Department of Social Welfare and Development ngunit wala pa rin silang natatanggap na ayuda mula sa kanilang barangay.

"Panakaw lang ang biyahe namin. Makabiyahe kami 3 o 4 na beses pambiling bigas lang at hindi po kami magiging pasaway sa kalye na 'to kung may dumarating pong ayuda. Kaso wala eh, ilang linggo na panay pangako lang," ani alyas John, isang jeepney driver mula sa Barangay Payatas B.

"Kung hindi po kami sasaglit ng biyahe, wala po kaming makakain," dagdag pa niya.

"Minsan 'pag wala na talagang makain napipilitan na rin akong mamasada saglit," ani Rey mula sa Barangay Commonwealth.

Sa gitna ng lockdown, ilang mga Pilipino ang bibigyan ng pamahalaan ng ayudang nagkakahalaga ng P5,000 hanggang P8,000 para sa pantustos ng kanilang pangangailangan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.