Coast guard nagsagawa ng aerial surveillance sa dumadaung na cruise ships sa Manila Bay

Johnson Manabat, ABS-CBN News

Posted at Apr 28 2020 11:27 AM

Watch also in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Nagsagawa ng aerial surveillance ang tropa ng Philippine Coast Guard sa palibot ng Manila Bay para i-monitor ang mga cruise ship na nakatakdang magbaba ng kanilang Filipino crew members.

Sa paglipad ng air assets ng PGG, ilang beses nitong inikutan ang karagatan ng Manila Bay kung saan makikita ang 7 cruise ship na nakadaung doon. 

Katuwang ng PCG sa monitoring ng cruise ships ang Bureau of Quarantine para masigurong nasusunod pa rin ang quarantine protocol sa mga tripulante ng mga cruise ship na dumadaung sa Maynila.

Ayon pa sa PCG, mahigpit ang protocol sa disembarkation at pagbibiyahe sa mga marino o seafarers mula sa cruise ships patungon sa dalawang quarantine cruise ships gaya ng dalawang barko ng 2GO sa pier para sa mandatory 14-days quarantine period.

Nilinaw din nila na ang papayagan lamang bumaba mula sa dumarating na cruise ships ay ang mga Filipino seafarer alinsunod sa Bayanihan Act.

Sisimulan na rin ang disembarkation ng Filipino seafarers kapag nakatanggap na ng clearance ang mga ito mula sa Bureau of Quarantine.

Samantala, mas marami pang barko ang inasahang dadaung sa Manila Bay ngayong linggo.