Grupo ng mga magulang, tutol sa pagbabalik ng distance learning sa gitna ng tag-init

ABS-CBN News

Posted at Apr 25 2023 03:55 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA — Tutol ang National Parent Teacher Association Philippines sa pagbabalik ng opsyon ng modular classes dahil sa matinding epekto ng init sa mga paaralan. 

Kasunod ito ng memorandum ng Department of Education (DepEd) na pinapayagang magsuspinde ng face-to-face classes sa mga paaralan at magpatupad muna ng modular learning dahil sa init ng panahon.

Sa panayam sa TeleRadyo, sinabi ni Internal Vice President Lito Senieto na dapat gumawa ng hakbang ang gobyerno para hindi na kailanganin pang suspendihin ang in-person classes kahit mainit ang panahon.

Magsilbi sanang aral aniya ang epekto ng online at modular classes noong lockdown, kung saan bumaba ang kalidad ng edukasyon sa bansa, dahil na rin hindi natutukan sa pagtuturo ang mga mag-aaral.

"Bumaba ang kalidad ng edukasyon natin, pagbabasa. Bumaba na, lalong bumaba pa nitong pandemic. So, yun ang mahirap kasi, walang face-to-face eh na klase," aniya.

"Pag-aralan muna ulit kasi ito naman pagdadaanan natin itong April eh. Pero pagdating ng Mayo, start na ng tag-ulan ang May, June. Tag-ulan na yan eh. So yun ang isa na factor na tinitingnan natin, na sana naman pag-isipan nang mabuti na we go back to modular," paliwanag niya. 

— TeleRadyo, 25 Abril 2023