PatrolPH

Senior citizen hinataw ng baseball bat dahil sa away-trapiko

Anna Cerezo, ABS-CBN News

Posted at Apr 25 2022 09:25 AM | Updated as of Apr 25 2022 07:00 PM

Watch more News on iWantTFC

(UPDATE) Hinataw ng isang motorista ang isang senior citizen gamit ang baseball bat habang nagtatalo sila sa Las Piñas City noong Linggo.

Ayon sa hinataw na si Julian Adlao Jr., nag-umpisa ang away nang businahan niya ang van na sinasakyan ng suspek sa may kahabaan ng Marcos Alvarez Avenue.

Sakay umano ng motorsiklo si Adlao Jr., na noo'y galing sa bahay sa Bacoor, Cavite at pumunta ng Las Piñas para kuhanin ang kaniyang jeep.

"Nagmo-motor ako ta's busina nang busina lang ako eh nagagalit siya," kuwento ni Adlao.

Sa isang cellphone video na nag-viral, kita na pinalo ng isang lalaki si Adlao gamit ang baseball bat. 

Ayon kay Adlao, tinamaan siya sa ulo at kaliwang balikat. Nasugatan rin umano ang kaniyang kaliwang tuhod at paa matapos matumba.

Sinubukan umano ni Adlao na kuhanin ang plaka ng motorista para magkaroon ng ebidenisya ng insidente pero inagaw ito sa kaniya ng lalaking unang umaawat at umalis na ang suspek.

Hinabol ni Adlao ang van hanggang sa matiyempuhan ito ng mga pulis.

"Sa Pilar, mabuti may 2 pulis... tapos 'yong pulis tumawag ng traffic enforcer ng Las Piñas," kuwento ni Adlao.

Itinanggi rin ni Adlao ang kumakalat sa social media na nagkaaregluhan sila ng lalaking humataw sa kaniya.

Nanindigan asi Marlon Adlao, anak ng biktima, na ituloy ang demanda laban sa suspek.

Tumanggi nang magbigay ng pahayag ang suspek.

Patuloy namang iniimbestigahan ng Las Piñas ang insidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.