PatrolPH

Hirap sa magdamag: Mga umuuwi galing probinsya walang masakyan pagdating Maynila

Lyza Aquino, ABS-CBN News

Posted at Apr 25 2022 10:21 AM | Updated as of Apr 25 2022 10:43 AM

Watch more News on iWantTFC

Unang araw ng work week pero perwisyo agad ang sumalubong sa ilang mga pasahero na galing ng mga probinsya sa norte at bumalik ng Maynila kanina.

Kahit ala una pa lang ng madaling araw, buhay na buhay ang mga bus terminals sa EDSA Cubao dahil sa dami ng mga pasahero na nasa loob at labas ng mga sakayan ng bus.

Karamihan sa mga ito ay mga kakababa lang sa bus terminals sa Cubao dahil sa ginagawang night operations ng mga bus kung saan alas-10 na nagumpisang bumyahe ang ilan dahil sa ipinatutupad na window hours para sa mga provincial buses.

Sa ilalim ng window hours, 10pm-5am lang pwede magbaba ng pasahero ang mga provincial buses sa mga main terminals nila sa Cubao.

At dahil dis oras na nakakabalik ng Maynila ang mga pasahero, pahirapan makabalik ng kanilang bahay dahil wala naman masyadong masakyan na mga pampublikong transportasyon gaya ng UV express, jeep at iba pa tuwing madaling araw.

Kamot ulong naghihintay ng masasakyan ang isa sa mga pasahero na si Rizalyn. Kahit kasi alas dos ng madaling araw na kanina, wala pa siya sa kalahati ng kaniyang byahe pauwi ng Carmona Cavite.

Mula kasi sa isang isla sa Subic, sumakay siya ng bangka, nagbus papuntang Olongapo at sumakay ng provincial bus papuntang Cubao. At pagdating sa Cubao, kailangan pa niya maghanap ng masasakyan papuntang PITX para makauwi ng Carmona.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.