PatrolPH

6 tiklo sa umano’y hit-and-run sa Parañaque, kasunod na rambol sa Las Piñas

ABS-CBN News

Posted at Apr 22 2022 06:46 AM | Updated as of Apr 22 2022 10:48 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA—Isang Chinese at limang Pilipino ang inaresto matapos ang isang hit-and-run incident sa Parañaque City at sumunod na suntukan sa Las Piñas City nitong Huwebes.

Sa isang CCTV footage na kuha 5:40 p.m. sa kahabaan ng Dr. A Santos Ave. sa Parañaque, makikitang nakahinto sa gilid ng kalye ang isang motorsiklo. Ilang sandali pa, may biglang humaharurot na puting SUV na sumalpok sa motorsiklo.

Imbes na tumigil, dumiretso ang SUV papatakas. Ang motorcycle rider na sugatan naman ay dinala sa pagamutan.

Makalipas ang halos isang oras sa Concha Cruz gate sa BF sa Las Piñas, sinunukan ng puting SUV na lumabas.

Doon agad sila hinarang ng mga security guard at di pinapasok dahil naitimbre na umano sa kanila na sangkot ang sasakyan sa kaso ng hit-and-run.

Nagkaroon ng pagtatalo sa gate sa pagitan ng mga gwardiya at mga pasahero ng SUV na pawang mga lasing umano.

Isa pang sekyu na nakamotorsiklo ang dumating at ibinalandra sa harap ng SUV para di makadaan. Binundol naman ng driver ng SUV ang motorsiklo kaya ito natumba.

Nagpatuloy ang diskusyon sa pagitan ng dalawang kampo hanggang ang lalaking nakitang naka-itim na jacket ay biglang tinulak ang isang sekyu na naging rason para gumanti at doon na nagsimula ang rambol sa pagitan ng mga gwardiya at sakay ng SUV.

Aminado ang mga suspek na nakainom sila. Pero depensa nila, nauna nanuntok ang mga gwardiya at gumanti na lang sila.

Ayon sa suspek na naka-pink, nagulat na lang siya sa pangyayari at nakasakay rin siya sa puting SUV pero tulog siya nang may nabangga umano ang Chinese niyang amo.

Paliwanag naman ng mga suspek sa convoy, nadamay lang sila.

Ayon pa sa mga suspek, hindi nila pagtatakpan ang driver ng SUV.

Magsasampa rin daw sila ng reklamong physical injury umano laban sa mga gwardiya.

Naka-detene ngayon ang mga Pilipino sa Las Piñas City Police Station. habang ang Chinese ay hawak ng Parañaque traffic unit. – Ulat ni Anna Cerezo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.