PatrolPH

3 timbog sa Las Piñas dahil sa umano'y pekeng RT-PCR test

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Apr 22 2021 08:18 AM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA - Huli ang isang lalaki at 2 babae sa entrapment operation sa isang medical clinic sa Las Piñas na ayon sa pulis ay sangkot sa paglabas ng mga pekeng RT-PCR test results.

Sa ulat ng Southern Police District, ikinasa ang operasyon sa clinic sa Bgy. Talon Uno noong Martes ng mga operatiba ng iba-ibang unit ng SPD at ng Las Pinas police.

3 timbog sa Las Piñas dahil sa umano'y pekeng RT-PCR test 1
Kuha ng SPD

Ayon sa SPD, nakatanggap sila ng impormasyon na naglalabas ang clinic ng hinihinalang pekeng COVID-19 test results para sa P1,500 kada test.

Narekober sa operasyon ang 2 RT-PCR test result at 4 na rapid test results.

Kinuha rin bilang ebidensya ang hinihinalang drug paraphernalia na hawak umano ng lalaking suspek.

Makakasuhan ang grupo ng falsification of public documents at paglabag sa Dangerous Drugs Act.

Paalala ng mga awtoridad, siguruhing lehitimo ang establisyimento na pagkukunan ng COVID test at ng iba pang health test para sa pag-iingat sa kalusugan. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.