COVID-19 bayanihan: 7 sa Soccsksargen nagsauli ng cash aid sa DSWD

ABS-CBN News

Posted at Apr 22 2020 12:10 PM

Watch also in iWantTFC

MAYNILA - Pito pang indibidwal sa rehiyon ng Soccsksargen ang nagsauli ng natanggap nilang tulong pinansiyal mula sa gobyerno matapos malamang hindi sila dapat kabilang sa listahan ng Department of Social Welfare and Development.

Tinularan umano ng mga ito ang ehemplo ni Whendy Pido, 28-anyos na residente ng Magpet sa North Cotabato, ayon kay DSWD-Soccsksargen regional director Joel Espejo.

"Maraming salamat sa iyong ambag na talaga namang nakakataba ng puso at sana tuloy-tuloy ang mga katulad mo na magsurface po sila. Ito naman ay panahon ng pagtutulungan at malasakit sa ating mga kababayan," ani Espejo.

"Isa ka pong hero para sa amin. Sana po maging inspirasyon po kayo sa lahat ng ginagawa ng kagawaran."

Ayon kay Pido, sinauli niya ang P5,000 cash aid ng gobyerno dahil nakatanggap na ang kaniyang asawa mula sa kabilang barangay. Sabay umano kasi silang nag-apply para sa tulong pinansyal kaya ito nadoble.

"Maraming tao ang nangangailangan ng tulong ngayon. Ang hirap din po iyong sa'min doble tapos 'yung sa iba walang nakuha. Ang sarap po ng kain namin tapos iyong iba kumakalam iyong tiyan. 'Yun po talaga ang nasa isip ko," aniya.

Naglaan ng mahigit P200 bilyon ang pamahalaan upang ipamahagi sa mga mahihirap na pamilyang apektado ng quarantine measures dahil sa banta ng COVID-19.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.