PatrolPH

Ilang pasahero naghintay ng higit 10 oras sa Cubao bus terminal

ABS-CBN News

Posted at Apr 21 2022 06:29 AM | Updated as of Apr 21 2022 01:40 PM

Watch more News on iWantTFC

MAYNILA (UPDATE) — Inabutan ng gabi ang ilang mga pasaherong pauwi sa kanilang mga probinsiya Miyerkoles sa bus terminal sa Cubao, Quezon City.

Kinansela ng isang bus company ang mga biyahe papuntang probinsiya dahil sa bagong travel scheme ng Metropolitan Manila Development Authority.

Ayon sa bagong scheme, 10 p.m. hanggang 5 a.m. lang pwedeng bumiyahe ang mga provincial bus.

Nitong Miyerkoles ng gabi ay may mga naghihintay pa rin at umaasang dumating na ang bus nila.

Nang magsimulang magdatingan ang mga bus ay kani-kanya nang bitbit at pasok ang mga pasahero na lahat ay umaasang makakapagpahinga na matapos ang buong araw na paghihintay.

Ayon sa kumpanya ng bus, ang bagong window hours ng pagbiyahe ay alinsunod lamang sa patakaran ng MMDA.

Mag-iiba rin ang oras ng departure mula sa probinsya para masabay ito sa loob ng 10 p.m. hanggang 5 a.m.

Ang mga biyahero namang pupunta ng probinsya ay pinapayuhan na magtungo lamang sa Metro Manila Terminals sa pagitan ng mga naturang oras.

Ang mga apektadong pasahero na may advanced booking ay pinapayuhan nilang makipag-ugnayan sa kanilang tanggapan para magpa-adjust ng kanilang booking. 

Watch more News on iWantTFC

Nilinaw naman ng Nagkakaisang Samahan ng Nangangasiwa ng Panlalawigang Bus sa Pilipinas Inc. na hindi sila tumigil sa pagbiyahe kasabay ng pagbabalik ng window hours.

Ayon kay NSNPBPI executive director Alex Yague, patuloy ang biyahe sa mga bus na may QR code at special permit.

"Actually, humihingi kami ng paumanhin sa mga pasahero dahil marami ang naapektauhan sa kanila lalo na nung pauwi ng probinsya nung Semana Santa," aniya sa panayam sa TeleRadyo Huwebes.

Sabi ni Yague, nakipagpulong sila sa MMDA noong Martes para sa posibleng extension ng no window hours policy.

"Humihingi sana kami ng extension kaya lang sabi nila kailangan ipatupad kahapon (Miyerkoles)," aniya.

Payo ni Yague sa mga biyahero na maaapektuhan sa bagong window hour scheme, mag-rebook na ng kanilang mga ticket. – May ulat ni Nico Bagsic, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.