145 estudyante apektado ng init sa pagkawala ng kuryente sa Occidental Mindoro

ABS-CBN News

Posted at Apr 20 2023 09:31 AM | Updated as of Apr 20 2023 09:44 AM

Watch more on iWantTFC

MANILA – Nasa 145 estudyante na sa Occidental Mindoro ang apektado na ng labis ng init na panahon na pinalala na pagkawala ng kuryente sa kanilang lugar, ayon sa isang opisyal ng Department of Education (DepEd) ngayong Huwebes.

Ayon kay Assistant Schools Division Superintendent Rodel Magnaye doon, 7 sa mga estudyante, na pawang mga taga-San Jose National High School, ang nahirapan huminga na nauwi sa pagkahimatay. 

Dalawa sa mga ito ang dinala sa ospital, pero kalaunan naman ay pinauwi.

Sampu sa mga bata ang nakaramdam ng pagkahilo, habang ang natitirang bilang naman ay sumakit ang ulo.

“Sa kasalukuyan po, ang mga bata na nagkakaroon ng pagkaranas ng sobrang kainitan ay nabibigyan ng karampatang at kagyat, mabilisang pagtugon ng ating health nurses ng ating mga medical officials ng San Jose, dahil meron kaagad na ambulansya na nakaantabay sa mga lugar sapagkat nasa sentro naman po ang paaralan ng kabayanan,” ani Magnaye.

Ayon sa opisyal, pinapayuhan na nila ang mga magulang na pagbaunin na ang kanilang mga anak.

“Lahat po ng mga classrooms ay merong drinking facility na readily available lagi ang tubig,” dagdag pa niya.

Ayon pa kay Magnaye, marami na rin ang mga electric fan sa mga silid-aralan, kabilang na ang mga solar-powered.

Pero aniya, tila hindi ito sasapat lalo na para sa mga klasrum nilang may tig-60 na estudyante. 

“Kaya po talagang yung alternatibo ay…nililimitahan namin ang mga bata na papasok upang ang ilang mga eskwela ay nasa kanilang mga tahanan at doon na mag-aral using the modular lessons,” aniya.

“Nirerekomenda namin na i-limit sa mga paaralan especially during the times na 10 a.m. hanggang 3 p.m. kung kalian mataas ang temperature sa mga paaralan. So meron pong mga outdoor activities sa sikat ng araw, pinagbabawal namin. Pero yung klase po, pwede nilang gawin sa mga open spaces, sa mga ilalim ng puno, nirerekomenda po namin yan.”

“At ang pinaka-best naming recommendation ay mas agahan ang pasok ng mga bata kung kalian hindi masyadong mainit, hanggang 10:30 ng umaga. Tapos, yung shifting sa hapon second shift po ay nagsisimula po yan ng 3 o’clock o 3:30 hanggang sa may liwanag pa,” paliwanag niya.

--TeleRadyo, 20 April 2023