ALAMIN: Lagay ng panahon ngayong Mahal na Araw
ABS-CBN News
Posted at Apr 13 2022 07:50 AM
MANILA -- Ano nga ba ang magiging lagay ng panahon ngayong darating na Mahal na Araw?
Sa TeleRadyo, sinabi ni ABS-CBN resident meteorologist Ariel Rojas na maaaring makapag-Visita Iglesia sa Metro Manila at malaking bahagi ng Luzon sa Huwebes Santo dahil magiging maaraw dito.
Pero posible aniya ang pag-ulan sa northern Palawan, Mindoro, Bicol Region, at halos buong Visayas, lalo na sa Panay. Posible rin ang mga thunderstorm sa Northern Mindanao, Caraga, at Davao.
Sa Biyernes Santo, Sabado de Gloria, at Easter Sunday naman, magiging mainit ang panahon sa halos buong bansa, bagamat posible pa rin ang thunderstorm sa hapon sa may Bicol, Mimaropa, Visayas, Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, Caraga, at Davao Region.
May payo rin si Rojas sa mga pupunta sa ilang tanyag na bakasyunan sa bansa.
"Sa mga pupunta ng Baguio, maaraw sa Huwebes at Biyernes pero maulan po sa Sabado at sa Linggo. Sa Tagaytay naman, maaraw bukas pero sa Biyernes hanggang Easter Sunday, asahan ang pag-ulan sa hapon," aniya.
Para naman sa mga magtatampisaw naman sa El Nido, magiging maaraw ngayong Sabado at Linggo, ayon kay Rojas.
Magiging maganda naman ang panahon sa Boracay mula Huwebes hanggang Linggo, ayon sa kanya.
Samantala, ayon kay Rojas, ang tropical depression na dating tinatawag na Agaton ay huling namataan 65 km timog-silangan ng Guiuan, Eastern Samar.
Ang typhoon Malakas naman ay huling namataan 1,545 km silangan ng Central Luzon. Pumasok ito sa Philippine Area of Responsibility (PAR) Martes ng umaga, pero nakalabas din ito kinahapunan.
weather, philippines weather, regional news