PatrolPH

Pila para sa Apostille sa DFA mahaba pa rin; mga aplikante nagpalipas ng gabi sa kalsada

ABS-CBN News

Posted at Apr 12 2022 07:22 AM

Watch more News on iWantTFC

MAYNILA—Kalbaryo ang inabot ng mga naghabol kumuha ng Apostille Certificate bago mag regular holiday ngayong Semana Santa.

Kwento ni Sheryl Hamero at Vangelou Navarro na nagbabalak maghanap buhay sa Kuwait, dalawang araw na sila natutulog sa labas ng Department of Foreign Affairs.

Ayon sa dalawa, inabot raw sila ng higit 15 oras ouong unang araw nila dito kung saan pumila sila para makakuha ng number o appointment para sa processing.

Sa ngayon isang mahabang pila lamang ang meron sa labas ng DFA. Pero ayon sa mga aplikante, bandang alas-5 ng umaga aayusin ang pila sa tatlo.

Isang pila para sa kukuha pa lamang ng number, isang pila ng may appointment o number na, at isa pang pila para sa releasing.

Kwento ng ilang aplikante, unang beses nila naranasan ang matulog sa kalsada. Hindi raw ito madali pero tiya-tiyagain raw nila ito para sa pamilya nila.

Bukod sa hirap, nagaalala din ang ilang mga aplikante sa kaligtasan nila. Minsan kasi may mga kotse na mabilis nagpapatakbo at nangamba sila na baka masagasaan sila.

Bandang alas 3 ng umaga naglagay na ng mga warning device ang security ng DFA.—Ulat ni Anna Cerezo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.