Halos 100 'pulis-iskalawag' tinitiktikan - Albayalde

ABS-CBN News

Posted at Apr 11 2018 11:27 AM | Updated as of Apr 11 2018 01:29 PM

Watch also in iWant or TFC.tv

Minomonitor ng counter-intelligence operatives ang 96 pulis na hinihinalang sangkot sa ilegal na gawain, sinabi Miyerkoles ni incoming national police chief Director Oscar Albayalde. 

Pitumpu't pito aniya sa mga naturang pulis-iskalawag ang idinadawit sa bentahan ng bawal na gamot, habang ilan pa ang iniuugnay sa extortion, sabi ni Albayalde sa panayam ng ABS-CBN News. 

Tiniyak ni Albayalde na tututukan niya ang disiplina ng mga pulis, batay na rin sa direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte. 

"Gustong-gusto niya (Duterte) iyung pagdidisiplina sa ating mga kapulisan. Ito naman po talaga ang tama dahil sabi ko nga, over the years, mukhang napabayaan ang internal discipline namin," sabi ng opisyal. 

"Kagaya ng ating ginawa sa NCRPO, kapag nahuli ang isang tauhan, pati iyung PCP commader, tanggal agad kasi tapos na tayo sa pakiusap, tapaos na tayo sa mga memorandum na katakot-takot na ibinigay natin," dagdag niya. 

Una na ring nangako si Albayalde na magpapatuloy rin ang kampanya ng ilegal na droga sa ilalim ng kaniyang pamamahala sa pulisya. 

Papalitan ni Albayalde si police chief Director General Ronald Dela Rosa. 

Nakatakdang magretiro si Dela Rosa sa Abril 21, pero inextend ni Duterte ang kaniyang termino, bagama't hindi idinetalye kung hanggang kailan. 

Pamumunuan ni Dela Rosa ang Bureau of Corrections (BuCor) pagkatapos ang kaniyang pagreretiro sa pulisya. 
 
Umagang Kay Ganda, 11 Abril 2018

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.