Ilang nagtapos ng senior high school, umaasang may mapapasukang trabaho

ABS-CBN News

Posted at Apr 08 2018 07:44 PM

Watch also in iWant or TFC.tv

Nasa 1.2 milyong estudyante ang nagtapos sa senior high school ngayong 2018, ayon sa Department of Education.

Kabilang sa mga bagong graduate si Eje Butingan na balak maging brodkaster balang araw kaya arts and design strand ang kanyang kinuha sa Eugenio Lopez Junior Center for Media Arts.

Pero aminado siyang hilaw pa siya para magtrabaho.
 
Graduate din ng media arts si Irish Kaye Dela China.

Kampante naman siyang kaya niyang magtrabaho. 

Sumailalim kasi sila ng kaniyang mga kasama sa immersion program.

Nag-practicum sila ng 80 oras sa iba-ibang opisina.

Gusto rin kasi niyang makatulong na sa kaniyang magulang.

Sa ilalim ng K-12 program, maaaring magtrabaho o magtayo ng negosyo ang mga nagtapos ng senior high school.

Pero ayon sa Employers Confederation of the Philippines (ECOP) at Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI), mas pipiliin ng employers ang college graduates.

"Kung may option kami for college graduates, uunahin na namin ang college graduates... mas mature," ani Donald Dee, presidente ng ECOP at chief operating officer ng PCCI.

Nilinaw naman ni Education Secretary Leonor Briones na hindi garantiya na magkakatrabaho agad ang lahat ng 1.2 million na graduates ng senior high.

"Mga 61 percent ng ating mga estudyante and pati 'yong mga ga-graduate ngayon, ang choice nila is academic, so may plan sila to go to college or to university," ani Briones.

Umaasa naman ang mga tulad ni Dela China na kakayanin na nilang makipagsapalaran sa trabaho o ipagpatuloy ang pag-aaral kahit maging working student.

-- Ulat ni Jeck Batallones, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.