Pamimigay ng ayuda sa mga biktima ng Odette sa Bohol, naantala
ABS-CBN News
Posted at Apr 07 2022 03:37 PM
MANILA – Hindi pa rin naibibigay ang ayuda sa ilang mga taga-Bohol na nasalanta ng bagyong Odette noong Disyembre, ayon sa gobernador ng lalawigan ngayong Huwebes.
Kuwento ni Gov. Arthur Yap, hindi pa naibibigay ng National Housing Authority (NHA) ang tulong para sa mga Boholanong nasiraan ng bahay dahil sa bagyo.
“Nakapag-download po yung NHA ng P55 million na dinistribute. Pero yung mga mayors po, ayaw galawin yung pondo, ayaw mag-distribute dahil yung mga tao nagagalit. Dahil eh yung P55M na 'yon will only answer for 11,000 beneficiaries. Eh, yung tinamaan po dito sa bagyo nasa 288,000 homes po,” aniya.
“Eh di siyempre, yung mga mayor, natatakot sila na 'pag namigay sila, magagalit yung tao sa kanila. Kaya hinihingi nga namin na sa National Housing Authority na kung pwede, sabay-sabay nang ibigay yung ayuda,” dagdag pa ng opisyal.
Sabi pa ni Yap, maski ang NHA daw ay problemado dahil hindi rin sila umano binibigyan ng pondo ng Department of Budget and Management (DBM).
Nanawagan si Yap sa DBM na pondohan na ang mga ahensyang dapat na magbigay ng ayuda sa mga nasalanta ng bagyong Odette.
“Yung (Department of Social Welfare and Development) rin, meron pa silang ano, kailangan bigyan dito na tagpa-P5,000 na ayuda, yung pangako ni president nung Christmas. So sila rin, tinatrabaho pa nila yung pondo nila rom DBM.”
“So humihingi kami ng tulong sa DBM na kung puwede tulungan niyo po yung DSWD tsaka NHA para hindi na po maantala, magbigay tayo ng tulong dito sa Bohol.”
Ayon kay Yap, sa tolda pa rin nakatira ang ilang mga nasalanta ng bagyo sa kanilang lalawigan. Ginagamit nila ang mga lumang tarpaulin bilang kanilang bubong, aniya.
--TeleRadyo, 7 April 2022
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
regions, regional news, Tagalog News, TeleRadyo