‘Tigilan na nila panloloko’: Pamilya sa QC nabiktima ng fake delivery bookings

ABS-CBN News

Posted at Apr 07 2021 10:28 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA - Libo-libong halaga ng fake bookings ng pagkain at iba pang items ang dumating sa bahay ng isang pamilya sa Barangay Pinyahan sa Quezon City.

Kuwento ni Perry Agustin, isa sa mga taong ginamit ang pangalan sa panloloko, wala umano silang inorder na kahit anong pagkain o gamit man lamang sa mga online delivery apps kaya laking gulat nila sa pagdating ng delivery riders sa kanilang lugar bitbit ang napakaraming pagkain o mga gamit na halos P15,000 ang halaga.

“Nung Last Saturday, bigla na lang may sumulpot, umaga merong pang dumating na Grab Food ang dami tapos nung kinagabihan po sunod-sunod din po. Siyempre, nakakaawa rin ang taong napeperwisyo nila, niloloko nila. Siyempre sariling pera ng mga Grab Food yung pinangdedeliver nila. Kawawa naman din po sila peperwisyuhin,” sabi ni Agustin sa programang Lingkod Kapamilya sa TeleRadyo, Miyerkoles ng umaga.

Dahil sa gipit din sa pera ang pamilya Agustin, hindi nila nagawang akuin ang mga dumating na order kaya minabuti na lamang ng kanilang kapitbahay na pag-ambag ambagan ang halaga ng mga order na dumating.

“Buti mababait kapitbahay namin tumulong rin po sa kanila,” sabi niya.

Wala naman aniya silang kagalit sa lugar at posibleng pinagti-tripan lang sila.

Nananawagan ang pamilya Agustin na itigil na ng masasamang loob ang ganitong panloloko na ginagamit pa ang pangalan ng mga tunay na tao.

“Lalo na ngayong panahon ng pandemya iwasan na nila ang panloloko ng tao, taghirap na nga po tayo tapos papahirapan pa nila yung nagtatrabaho ng marangal,” sabi niya.

- TeleRadyo 7 Abril 2021