PatrolPH

Cold storage facility hiling ng mga magsasaka ng sibuyas sa Occidental Mindoro

ABS-CBN News

Posted at Apr 06 2022 02:11 PM

Watch more News on iWantTFC

MAYNILA — Humihingi ng tulong ang mga magsasaka sa San Jose, Occidental Mindoro matapos sumadsad ang presyo ng sibuyas, sinabi ng isang opisyal ngayong Miyerkoles.

Ayon kay San Jose Mayor Romulo Festin, hiling nila sa gobyerno ay cold storage facility sa bayan.

"Hinihingi ng mga magsasaka this time ay makapagbigay sila ng [cold] storage dito para hindi kami makapag-obliga ng magbenta nang mababa," aniya sa panayam sa TeleRadyo.

Ayon kay Festin, nalulugi ang mga magsasaka dahil sa mga imported na sibuyas sa mga pamilihan. Bumagsak sa P6 kada kilo ang presyo ng lokal na sibuyas.

"Hanggang ngayon nakaimbak [ang mga sibuyas]. 'Yung iba gusto nang itapon. Wala talaga e. Binabiyahe sa Iloilo pero talagang lugi talaga. Napakababa po ng presyo," sabi ng alkalde.

Sinabi na ni Festin na pinag-iisipan ng lokal na pamahalaan na magdeklara ng state of calamity para mabigyan ng ayuda ang mga apektadong magsasaka.

Nasa 17 barangay ang apektado sa bagsak-presyo ng sibuyas, na sinabayan pa ng pananalasa ng mga pesteng insektong harabas.

Banat ni Festin, ang pag-import ng sibuyas sa panahon ng pag-ani ay economic sabotage.

"Nanawagan din kami sa Department of Agriculture na magparamdam naman sila ng suporta sa mga ganitong klase," dagdag niya.

Ayon namang sa website ng Department of Agriculture-Mimaropa, naggawad ito ng P20 milyon para sa pagpapatayo ng onion cold storage unit sa Brgy. Mapaya sa San Jose. 

Una na ring nagbenta ang ahensya ng lokal na sibuyas sa kanilang Kadiwa Stores sa halagang P33 hanggang P35 bilang suporta sa mga lokal na magsasaka mula Nueva Ecija.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.