Mermaid swimming, sagot sa nangangarap mag-'Dyesebel'

ABS-CBN News

Posted at May 07 2017 07:09 PM | Updated as of May 08 2017 08:00 PM

Kung trip mong mag-ala sirena, sagot na ng Mermaid Academy sa Boracay ang dream mong maging Dyesebel.

Ihanda lang ang iyong makulay na buntot at i-level up ang iyong swimming skills sa pag-aaral ng langoy ala sirena. Huwag mag-alala dahil mga batikang miyembro ng Philippine Mermaid Swimming Academy mismo ang magtuturo.

Hindi kailangang magaling lumangoy para maging mermaid swimmer, araw-araw na pag-eensayo lang ang katapat nito.

Pwede rin itong subukan maging ng mga chikiting basta edad pitong taong gulang na o pataas.

Ilan sa basic moves na itinuturo ang ''dolphin kick'' na pinaka-popular na langoy ng isang sirena. Dagdag na rito ang back float, headstand, front roll, back roll, twist and turn at marami pa.

Kung gusto mo rin ng real experience ala mermaid, maaari ka ring magpalagay ng makeup at hair extensions para sa maitodo ang mermaid look. 

Bukod sa masayang experience, magandang workout din ito dahil buong katawan ang gumagalaw at hindi pa strenuous sa mga buto. Pinapalakas pa nito ang baga (lungs).

Ngunit paalala ng Mermaid Swimming Coach Karla Fukui, number one pa rin ang safety sa paglalangoy kaya mas magandang may kasamang sumisid para mas ma-enjoy ang paglangoy under the sea!

Ulat ni Gretchen Ho, ABS-CBN News