Motorcade ng Itim na Nazareno, balak isagawa sa Biyernes Santo

ABS-CBN News

Posted at Apr 04 2022 01:26 PM

Watch more News on iWantTFC

MANILA – Unti-unti nang sinisikap ng Quiapo Church na ibalik ang mga nakagawiang tradisyon ng mga Pilipino tuwing Semana Santa.

Ayon sa parochial vicar ng simbahan na si Fr. Douglas Badong, nais nilang magsagawa ng motorcade ng imahen ng Itim na Nazareno sa Biyernes Santo.

“Hindi nga lang maibalik pa po yung talagang pasan, pero sinisikap po na ngayong Good Friday, makapag-motorcade po, motorcade procession ng imahen ng Nazareno,” aniya.

Nanawagan si Badong sa mga deboto na gawing tahimik ang magiging prusisyon sa Semana Santa.

“Hindi ito katulad nung dati pa, sa ngayon hindi pa magagawa po yung pagsasalya, paghihila ng lubid, imo-motorcade lang po yung imahen natin,” paglilinaw niya.

“Hindi kinakailangan magpaa, magdala po ng kandila at tahimik po tayong magprusisyon,” paalaala ng pari.

Kaugnay nito, magsasagawa ang parokya ng prusisyon ng mga replica ng imahen ng Itim na Nazareno sa darating na Miyerkules at Huwebes, ayon kay Badong.

Sabi niya, ito’y para hindi na kailangan dalhin ng mga deboto ang kanilang replika sa Mahal na Araw.

“May additional po kaming gagawin, magkakaroon po ng pagbabasbas o ng replica Lenten procession, sa lahat po ng mga replica inaanyayahan namin na makiisa dito sa gagawing procession, tapos babasbasan natin yung mga imahen nila,” ani Badong.

Dagdag pa ng pari, nagsasagawa na rin ng Pabasa sa kanilang parokya tuwing Lunes hanggang Miyerkules. 

Ayon kay Badong, nasa 500 parokyano ang pumupunta sa Minor Basilica of the Black Nazarene kada araw. Kahit pinapayagan pa ang 100 porsiyentong capacity sa loob ng simbahan, hindi nila hinahayaang magsiksikan ang mga deboto sa loob ng simbahan.

--TeleRadyo, 4 April 2022