Kadamay pinagtanggol ang paglabas ng residente ng Sitio San Roque

ABS-CBN News

Posted at Apr 03 2020 10:35 AM | Updated as of Apr 03 2020 10:52 AM

Watch also in iWantTFC

MANILA - Mahirap pilitin na manatili ang mga mahihirap na pamilya sa loob ng kani-kanilang bahay habang sinusugpo ng gobyerno ang pagkalat ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) kung kulang naman ang binibigay na relief goods ng pamahalaan.

Ito ang depensa ng grupong Kadamay, ilang araw matapos arestuhin ang ilan nilang miyembro dahil sa paglabag sa quarantine protocol sa Quezon City.

"'Pag nabalitaan nila maski chismis na may namimigay, tatakbo talaga 'yan dahil nga po sa nararamdaman ngayon," ani Kadamay national chairperson Bea Arellano sa isang panayam sa DZMM.

"Kung kumakalam ang tiyan, hindi na talaga maiisip iyon (social distancing)," aniya.

Ayon kay Arellano, 2 kilong bigas at 2 sardinas lang ang natanggap ng ilang residente kaya't marami ang nagugutom ngayon.

Matatandaang nagkagulo sa Sitio San Roque sa Barangay Bagong Pag-asa kamakailan matapos umanong udyukan ng Kadamay ang ilang pamilya sa lugar na lumabas sa mga kalye upang humingi ng ayuda kahit na mahigpit na ipinagbabawal ng pamahalaan ang paglabas dahil sa enhanced community quarantine. 

Giniit naman ni Arellano na hindi lamang Kadamay ang grupo na nandoon sa naturang barangay nang mangyari ang gulo.

Sa pahayag naman ng Quezon City, pinabulaanan nilang wala pang napapamahaging food packs sa lugar. Patuloy din anila ang pagbibigay ng food packs sa buong lungsod - mula sa lokal na pamahalaan at barangay para sa mga apektadong pamilya. 

May nambuyo rin umano sa grupo na mag-rally para igiit na walang binibigay na food packs ang lokal na pamahalaan. 

"It was revealed that they were allegedly informed by an individual purportedly from a TV crew that food packs would be distributed to them this morning and that the DSWD would allegedly be distributing cash. After reaching the area, the residents discovered that there was no food or cash distribution," anila. 

"Instead, they were allegedly instigated by yet to be determined personalities to hold a rally and claim that the local government has not distributed any food packs in their area," dagdag nila. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.