P2 taas-pasahe sa jeep, ihihirit ng party-list

ABS-CBN News

Posted at Apr 03 2018 11:26 AM

Watch also in iWant or TFC.tv

Inanunsyo ng 1-Utak party-list ngayong Martes na maghahain ito ng petisyon na iakyat ang minimum fare sa jeep sa P10 mula P8.

Ito'y sa harap ng pagtaas kamakailan ng presyo ng krudo at spare parts ng sasakyan, ani Atty. Vigor Mendoza, chairman ng grupo.

Sasaklawin aniya ng hirit na taas-pasahe ang Metro Manila, Central Luzon, Calabarzon at Central Visayas, kung saan may mga makabago nang jeepney na makakasunod sa PUV modernization program ng gobyerno.

Kakailanganin naman ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na konsultahin ang economic managers at commuter groups hinggil sa planong petisyon lalo't nasa 3.2 milyong pasahero ang maaari nitong maaapektuhan, sabi ng board member ng ahensya na si Atty. Aileen Lizada.

Dinidinig din aniya ng LTFRB ang hiwalay na hirit ng jeepney operators na itaas ang minimum fare sa P12.

May mga nakabinbin ding fare hike petitions ang ilang operator ng mga bus, UV Express at taxi, gayundin ang mga kumpanyang Grab at Uber.

DZMM, 3 Abril 2019

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.