PatrolPH

MMDA dinepensahan ang panukalang odd-even, modified number coding scheme

ABS-CBN News

Posted at Apr 01 2022 09:14 AM

Watch more on iWantTFC

MANILA – Nanawagan ang Metropolitan Manila Development Authority sa publiko na pagbigyan ang mga ipinapanukala nilang paraan para maibsan ang traffic sa Metro Manila sa gitna ng pagdami ng mga sasakyan sa rehiyon.

May 3 ipinapanukalang number coding scheme ang MMDA para mabawasan ang bilang ng mga kotse sa kalsada. 

Sa ilalim ng odd-even scheme, bawal munang lumabas ang mga may plakang nagtatapos sa 1,3,5,7 at 9 tuwing Lunes at Huwebes, habang ang mga nagtatapos naman sa 2,4,6,8, at 0 ay bawal sa kalsada tuwing Martes at Biyernes. 

Sa modified number coding scheme naman, ang mga plakang nagtatapos sa 1, 2, 3, at 4 dapat nasa bahay muna tuwing Lunes; habang ang mga nagtatapos naman sa 5, 6, 7, 8 ay bawal lumabas tuwing Martes. Ang mga nagtatapos naman 9, 0, 1, 2 ay bawal kapag Miyerkules; 3, 4, 5, 6 kapag Huwebes; at 7, 8, 9, 0 kung Biyernes.

Sa kasalukuyang sistema, ang mga plakang nagtatapos sa 1 at 2 ay dapat sa bahay muna tuwing Lunes, habang ang mga nagtatapos naman 3 and 4 ay bawal lumabas tuwing Martes. Ang mga plakang nagtatapos naman 5 at 6 ay bawal sa kalsada tuwing Miyerkules; mga nagtatapos sa 7 at 8 tuwing Huwebes; at 9 at 0 tuwing Biyernes.

Bukod dito, ipinapanukala din nila ang pagpapatupad ng “daylight savings time” para mga tanggapan ng gobyerno.

Ayon kay MMDA General Manager Romando Artes, patuloy silang nag-iisip ng iba’t ibang paraan para maayos ang trapiko.

“Ang traffic po ay naandyan na. Ako po ay humihingi ng tulong ng ating mga kababayan na pagbigyan naman po kami. Lagi po nila sinasabi kami’y nag-eeksperimento. Hindi po. Kami po ay nag-iisip ng paraan. Ang amin naman pong lahat ng polisiya ay binabase namin sa datos, pinag-aaralan, at ikinokonsulta,” aniya.

“Sabi ko nga po, ang pagresolba sa traffic ay hindi kaya ng ahensya lang namin kundi kailangan din po namin ng tulong ng lahat,” dagdag pa niya.

Ayon sa opisyal, mas mabilis pa rin ang daloy ng trapiko sa EDSA ngayon—20 hanggang 23 kilometro akada oras-- mula sa dating 11-13 kilometro kada oras bago magkapandemya.

Nasa 370,000 sasakyan din aniya ang dumadaan sa EDSA kada araw, kumpara sa 405,000 bago tumama ang COVID-19.

Pero aniya, napagkasunduan nila sa isang traffic na kailangan pa ring bawasan ang bilang ng mga sasakyan sa kalsada.

--TeleRadyo, 1 April 2022

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.