Makati senior citizens maagang matatanggap ang mid-year cash gifts

ABS-CBN News

Posted at Apr 01 2020 11:49 AM

Watch also in iWantTFC

MAYNILA - Sisimulan ng pamahalaang lungsod ng Makati ngayong Miyerkoles ang pamamahagi sa mid-year cash gift ng nasa 78,262 nitong senior citizens na ihahatid mismo sa kanilang tahanan na may kasama pang food packs.

Ayon kay Mayor Abby Binay, napagpasyahang ibigay ng mas maaga ang cash gift upang mapanatag ang kalooban ng senior citizens sa panahon ng krisis na dulot ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Ang pagbibigay ng cash gift ay dapat sanang sa buwan ng Hunyo pa.

Nais ng alkalde na maiparamdam ng lungsod sa kanila ang malasakit at matatag na suporta upang hindi mag-alala.

Nanawagan ang alkalde sa senior citizens na manatili sa kanilang bahay para tiyak na madadatnan sila ng mga kawaning maghahatid ng kanilang cash gift at food pack.

Ang mid-year cash gift ay ipapamahagi ayon sa sumusunod: P1,500 para sa edad 60 hanggang 69; P2,000 para sa edad na
70 hanggang 79; P3,000 para sa edad 80 hanggang 89.

Nauna rito, nagbigay ng food packs at tulong pinansyal ang lungsod sa mahigit 6,800 tricycle at jeepney drivers, 13,000 persons with disabilities at 2,000 solo parents.

Nabigyan din ng food packs ang mahigit 80,000 mag-aaral ng public schools mula kinder hanggang senior high school.

Makatatanggap din ng financial assistance at food packs ang higit 13,000 PWDs sa lungsod ng Makati.

Inanunsyo ni Binay ang dagdag ayuda sa mga PWD sa gitna ng quarantine na ipinapatupad sa buong Luzon. Sa programang ito, makakatanggap ang bawat PWD ng P1,000 at food pack na dadalhin sa kanilang mga bahay.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.