Mga tren sa Metro Manila, Pasig River Ferry, tigil-operasyon ngayong Holy Week break

ABS-CBN News

Posted at Mar 31 2021 12:05 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA - Sarado ang mga estasyon ng tren sa Kamaynilaan ngayong enhanced community quarantine at Holy Week break para sa maintenance work, ayon sa Department of Transportation.

Isasailalim sa maintenance at repair ang mga tren ng LRT-1 na mula Baclaran sa Pasay City papuntang Caloocan, kaya tigil-operasyon na mula Miyerkoles hanggang Linggo.

Aayusin ang iba’t-ibang bahagi ng LRT Line 1 kabilang ang power distribution sector, signalling at telecom section, depot at marami pang iba, ayon sa DOTr.

Wala ring biyahe ang LRT-2 na mula naman sa Recto sa Maynila hanggang Santolan sa Marikina. Lilinisin at aayusin din ang train line kabilang ang power system, rectifier, tracks at iba pa.

Ang MRT-3 naman mula North Avenue sa Quezon City hanggang Taft Avenue sa Pasay ay magsasagawa rin ng repair at maintenance check. Papalitan o aayusin ang mga riles, power supply, communication systems at iba pa.

Ang Philippine National Railways ay magsususpinde ng operasyon sa Huwebes, Abril 1, maliban lang sa Calamba-Tutuban na ruta. Pero sa Abril 2 at 3 ay sarado na ang buong PNR at babalik na lang sa Abril 4.

Para naman sa gustong sumakay ng Pasig River Ferry Service ay wala ring operasyon ngayong Holy Week break. 

Ang Pasig River Ferry Service, LRT 1, LRT 2, MRT 3 ay magkakaroon muli ng biyahe sa Lunes, Abril 5 
 
- TeleRadyo 31 Marso 2021