Home > News Sapul sa CCTV: Lalaki tiklo sa panghoholdap ng bakery sa QC Nico Bagsic, ABS-CBN News Posted at Mar 30 2023 06:52 AM | Updated as of Mar 30 2023 03:01 PM Share Facebook Twitter LinkedIn Viber Watch more on iWantTFC MAYNILA - Sa loob ng rehas ang bagsak ng lalaking nang-hold up ng isang bakeshop sa Brgy. Sienna, Quezon City nitong Miyerkoles. Ayon sa mga biktimang tauhan ng nasabing bakeshop, humingi muna ng calling card ang suspek, lumabas ito, at makalipas ang ilang oras ay bumalik saka ginawa ang krimen. Tinutukan umano sila ng baril ng suspek na nanakot pang papasabugin umano nito ang kanilang ulo kapag hindi binigay ang pera at kanilang mga cellphone. Kuha sa CCTV ng bakeshop kung paano dali-dali nilang kinuha ang laman ng kaha at sinilid ang mga pera sa dalang ecobag ng suspek. Agad nagkasa ng operasyon ang QCPD Station 1 matapos maireport sa kanila ang insidente. Naaresto ang suspek sa Malabon City matapos balikan ng mga pulis ang mga kuha ng security camera. Nakita sa isang CCTV footage na tinaggal ng suspek ang helmet at face mask sa bandang Caloocan City, kaya agad siyang nakilala at natukoy ng mga awtoridad, Aminado naman ang suspek sa ginawang krimen. Paliwanag niya, kailangan niya ng pambili ng gamot para sa kaniyang anak. Tinatayang nasa P37,000 ang halagang nakuha ng suspek. Nakuha rin sa kanya ang isang hindi rehistradong baril at pampasabog. Napag-alaman namang ginamit ng suspek ang kaniyang motorsiklo sa hiwalay na insidente ng panghoholdup sa lungsod. Mahaharap sa kasong robbery ang suspek na nasa kustodiya ng QCPD Station 1 sa La Loma. Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita. Share Facebook Twitter LinkedIn Viber TeleRadyo, Tagalog news Read More: holdap Quezon City CCTV Malabon Caloocan