Ilang tsuper umangal na wala silang natanggap na fuel subsidy

ABS-CBN News

Posted at Mar 30 2022 11:28 AM

Watch more News on iWantTFC

MAYNILA — Nasa higit 100,000 jeepney drivers na ang nakatanggap ng ayuda mula sa Pantawid Pasada Program ng gobyerno nitong mga nakaraang linggo.

Pero ayon kay Dione Dayola, presidente ng association ng mga jeepney driver sa terminal sa kanto ng Pedro Gil at Agoncillo Street kung saan nasa higit 100 ang mga tsuper, 5 lang ang nakatanggap ng fuel subsidy.

Isa sa mga nakakuha ay si Artemio Singko at sabi niya, halos 3 araw lang sapat ang pa-ayudang karga.

Nasa higit P2,000 kada araw ang ginagastos niya sa diesel para makapag-uwi ng P300-P400 sa kaniyang pamilya. 

Gayunpaman, ikinatuwa niya ito dahil kahit papano nakaluwag siya. Minsan daw sa sobrang hirap bumiyahe, may mga araw na P70 lang ang nauuwi niya.

Ang tsuper naman na si Celso, hindi nakatanggap ng ayuda na P6,500 pero binigyan ng P2,500 ng kaniyang operator.

Kahit hindi ito buo, malaking tulong pa rin daw ito dahil nagkaroon siya ng puhunan para sa diesel para sa mga susunod na araw.

Umaapela sana ang mga tsuper na baguhin ang sistema sa pagbibigay ng ayuda.

Sa ngayon, pumalo na sa halos P28 ang itinaas ng presyo ng diesel mula Enero.

Dahil dito, sabi ni Diyola, 50 porsiyento ng mga tsuper sa terminal nila ang tumigil na bumiyahe. — Ulat ni Anna Cerezo, ABS-CBN News