Home > News Lalaki timbog sa pangho-hostage ng sariling anak sa Maynila Anna Cerezo, ABS-CBN News Posted at Mar 29 2023 07:04 AM Share Facebook Twitter LinkedIn Viber Watch more on iWantTFC Napuno ng tensyon ang isang gusali sa Barangay 408 sa Sampaloc, Maynila nitong Martes matapos i-hostage umano ng isang ama ang kanyang 6 na taong gulang na bunsong anak. Nagsumbong ang isang concerned citizen sa mga pulis pasado alas-2 ng hapon matapos makita sa rooftop ng gusali na tinutukan ng suspek ang batok ng anak gamit ang isang tari. Agad namang rumesponde ang mga pulis at pinalibutan ang gusali nang hindi napapansin ng suspek. Nang makakuha ng tiyempo at matiyak na malayo sa panganib ang bata, pinasok na ng mga pulis ang kwarto na kinaroroonan ng suspek, dinambahan ito at pinosasan. Ayon sa imbestigasyon nag-away ang lalaki at kaniyang asa kaya umalis ang maybahay nito kasama ang 2 nilang anak. Naiwan naman ang 6 na taong gulang na anak na babae na noon ay natutulog sa kwarto. Tumangging humarap sa camera ang suspek, pero pinaliwanag niya na wala umano siyang intensyon na saktan ang kanyang bunso. Nagawa lamang daw niyang i-hostage ang anak upang mapilitang umuwi ang kanyang mag-iina. Hindi naman nasaktan ang batang babae, samantalang posibleng maharap sa reklamong alarm and scandal and suspek. Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita. Share Facebook Twitter LinkedIn Viber Tagalog news, TeleRadyo Read More: Manila Sampaloc crime krimen