PatrolPH

Residential area sa QC nasunog dahil sa naiwang kandila

ABS-CBN News

Posted at Mar 29 2022 06:49 AM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA—Nang dahil sa naiwang kandila, nasunog ang isang residential area sa Quezon City nitong Lunes.

Ayon sa may-ari ng bahay sa Barangay San Antonio kung saan nagmula ang apoy, walang kuryente sa kwarto ng kaniyang kapatid kaya kandila ang gamit nila. Patulog na sila nang biglang masunog ang nasabing kwarto.

Bukod sa walang naisalba ang kaniyang pamilya, halos wala rin silang pera ngayon dahil kakalabas lang sa ospital ng kaniyang anak matapos magkaroon ng bukol sa leeg.

Ang residente na si Luzviminda Valdez naman, nagluluksa pa sa pagpaslang sa kaniyang anak noong nakaraang buwan. Panibagong hamon ulit ang kaniyang kahaharapin matapos madamay ang kaniyang bahay sa sunog.

Ayon sa BFP, nasa 8 hanggang 10 pamilya – o 30 indibidwal – ang nawalan ng tirahan dahil sa insidente. 

Walang nasugatan o namatay habang inaalam pa ang kabuuang halaga ng natupok.

Inihahanda na ngayon ng mga opisyal ng barangay ang mga tent at pagkain na kanilang ibibigay sa mga apektadong residente, na pansamantala munang manunuluyan sa covered court sa nasabing barangay.—Ulat ni Lyza Aquino, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.