Mga empleyadong kailangang pumasok sa gitna ng Luzon lockdown abala sa trabaho

ABS-CBN News

Posted at Mar 28 2020 08:22 PM

Watch also in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Habang hinihikayat ng gobyerno ang work from home sa pribadong sektor sa pagpapairal ng lockdown, may iilang mga manggagawa na abala pa rin sa pagpasok sa kanilang opisina gayong hindi kinakailangang magsara ng kanilang pinagtatrabahuang establisimyento sa gitna ng banta sa coronavirus disease 2019 (COVID-19)

Ilan lang dito ang mga bagger at kahera ng isang supermarket sa Taguig City. Mula sa pagbubukas hanggang sa pagsasara ng establisimyento hindi nauubos ang mga mamimili.

Karamihan sa kanilang mga empleyado ay mga kahera, bagger, taga-hiwa ng karne, taga-linis, at iba pa.

Nagpasya pa ang ilan na sa opisina matulog para makasiguradong makakapasok araw-araw.

Kaunting sakripisyo raw para sa mas nakararaming Pilipino na kailangang may ihain na pagkain sa la mesa.

Inilaan naman bilang sleeping quarters ang ilang bahagi ng isang residential condominium sa Taguig City para sa kanilang staff na piniling manatili roon habang may lockdown.

Isa rito si Lorraine Lacanlale, property manager ng condominium.

"Siyempre 'yong team ko nandito. I made a sacrifice rin to oversee na okay ang lahat ng operations natin. They are making sure 'yung sanitation and safety ng building namin, I make sure na nandito rin po ako. Ito 'yung panahon na mas kailangan nila tayo so magiging selfless ka talaga para sa ibang tao," ani Lacanlale.

Kabilang din dito ang concierge staff na si Isabel Delgado, na piniling manatili roon sa ikaliligtas ng kaniyang mga kustomer at kaanak.

Walang kapantay raw ang pakiramdam na makapaglingkod sa ano mang paraan, bagama't may ilan gaya ng security officer na si Barahim Mangilin na aminadong nauulila sa kapiling ng mga kaanak na iniwan.

"Nag decide po kami na rito na mag-stay kasi kailangan din po i-supervise 'yung mga tao rito. Nami-miss ko rin po ang family ko pero nakakausap naman po namin sila through text or video call," ani Mangilin.

Bilang pasasalamat, nag-abot ng mga kumot, unan at iba pang mga pangangailangan ang mga residente para masigurong komportable silang nagpapahinga.

-- Ulat ni Isay Reyes, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.