Van na may commemorative plate, motorsiklong may blinker sinita

ABS-CBN News

Posted at Mar 28 2019 08:59 AM | Updated as of Mar 28 2019 09:46 PM

Watch also in iWant or TFC.tv

Kabilang ang isang van na may commemorative plate at motorsiklong may blinker sa mga sinita ng pulisya sa paligid ng Ninoy Aquino International Airport sa Parañaque City, Huwebes ng umaga.

Pag-aari ng enforcer ng Pasay Traffic and Parking Management Office ang motorsiklong may mga blinker, na aniya'y sira naman at hindi nagagamit.

Gayunman, ipinatanggal pa rin ito ng mga tauhan ng police Highway Patrol Group (HPG) na sumita sa enforcer sa Dr. A. Santos Avenue.

Pinatigil din ng HPG ang isang L300 van na sasakyan ng Barangay Baclaran, Parañaque dahil sa paggamit ng blinker sa harapan at likuran nito.

Ayon sa sakay nitong barangay staff na si Magdalena Francisco, ginagamit din kasing ambulansya ang sasakyan nila.

Iginiit naman ni HPG chief Brig. Gen. Robert Fajardo na hindi maaaring mag-blinker kahit ang mga sasakyan ng barangay kaya pinatanggal at kinumpiska ito.

Nasita rin ang isang pribadong van dahil sa paggamit ng commemorative police plate.

--Ulat ni Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.