PatrolPH

Private schools 'di umano kinonsulta sa bill na nagbabawal ng 'no permit, no exam'

ABS-CBN News

Posted at Mar 27 2023 11:08 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA - Hindi umano kinonsulta ng mga mambabatas ang private schools ukol sa panukalang Senate Bill 1359, na nagbabawal ng "no permit, no exam" policy sa mga paraalan.

Ayon kay Eleazardo Kasilag, presidente ng Federation Of Associations Of Private School Administrators (FAPSA), ang operasyon ng mga pribadong paaralan ay nakasalalay sa tuition fees at nakasaad naman sa batas na maaring hintayin na magbayad ang estudyante.

Ang mga pribadong eskwelahan sa Pilipinas ay nagsasara na umano, at ang mga ito ang alternatibo lang sa mga pampublikong paaralan sa bansa.

Giit ni Kasilag, ang bayad sa tubig at pasuweldo sa mga guro ay kinukuha sa mga tuition fee. Pinapayagan naman ang promisory note sa mga paaralan pero minsan nakakalimutan na makabayad ng ilang estudyante hanggang makatapos na ito.

Nang nagka-pandemiya, nagsimula na ang problema sa mga pribadong paaralan dahil maraming mga bata ang lumipat sa mga pampublikong paaralan.

Magsasara umano ang mga pribadong paaralan kapag naging batas ang Senate Bill 1359.

Ayon naman kay Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa, isa sa mga may-akda ng panukala, maraming sumbong ang ilang mga estudyante na hindi nakakapag-exam kapag walang permit.

Sa ilalim ng panukala, ay may ipapataw umano na parusa sa presidente ng paaralan kapag naging batas ito. Ang presidente ng paaralan ay pagmumultahin ng hindi bababa sa P20,000, at hindi tataas sa P50,000.

Binigyan umano nila Dela Rosa ng pansin ang apela ng mga paaralan, at papayagan ang mga ito na i-hold ang diploma o hindi papayagan na mag-enroll sa susunod na taon kung hindi mabayaran ang utang sa tuition ang mga estudyante. - SRO, TeleRadyo, Marso 27, 2023

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.