Benepisyo ng Lung Center frontliners, inaasahang maibibigay sa mga susunod na linggo: DOH

ABS-CBN News

Posted at Mar 24 2022 09:48 AM | Updated as of Mar 24 2022 09:50 AM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA - Inaasahang maibibigay na sa mga susunod na linggo ang benepisyo ng medical workers ng Lung Center of the Philippines, ayon sa Department of Health nitong Huwebes.

Nagsagawa ang mga frontliners ng kilos-protesta noong Martes para ipanawagan ang kanilang unpaid benefits sa ilalim ng Bayanihan 2 stimulus package.

Naibaba na ng DOH ang pondo para rito sa regional office, ayon kay Dr. Maria Rosario Vergeire, ang tagapagsalita ng ahensya.

"Kailangan lang po makakumpleto ng ating mga ospital ng requirements para po yung mga listahan, classification ng bawat empleyado para maibigay na po ang pera," aniya sa panayam sa ABS-CBN Teleradyo.

"Siguro po sa mga susunod na linggo maibibigay na sa kanila ang kanilang benepisyo."

Sa ilalim ng Bayanihan 2, maaaring makatanggap ang isang medical fronliner ng special risk allowance, meal, accommodation, and transportation allowance, at iba pang benepisyo.

Batay naman sa isang DOH administrative order, may 3 klasipikasyon ng health workers: ang mga high-risk o ang mga gumagamot ng COVID-19 patients na makakatanggap ng P9,000 kada buwan; ang mga moderate risk o yung mga nagtatrabaho sa isang health facility na makakatanggap ng P6,000; at mga low risk o walang direct contact sa mga COVID-19 patient.