Vaccination ng health workers sa Pasay, nasa 97 porsiyento na

ABS-CBN News

Posted at Mar 23 2021 09:17 AM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA - Nakatakdang matapos ang pagbabakuna ng lahat ng mga healthcare workers sa lungsod ng Pasay ngayong Martes.

Sa panayam sa media, sinabi ni Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano na nasa 97% na ng mga nagtatrabaho sa mga ospital, barangay health center, at barangay health emergency response teams o BHERTs ang nabakunahan ng Sinovac at AstraZeneca vaccines.

Aabot ang bilang na ito sa 4,237 na katao. Nasa 200 katao ang nababakunahan kada araw mula nang magsimula ang pagbabakuna ngayong Marso

May natitira pang mahigit 130 health workers na kailangan pang mabakunahan at inaasahan makokompleto ngayong araw.

Ayon sa alkalde, plano nilang isunod ang mga nakatatanda o senior citizen na mga residente.

Pero hinihintay pa ang pagdating ng mga bakuna mula sa national government.

Sa Abril naman inaasahang darating ang binili ng lungsod na 275 na doses ng bakuna ng AstraZeneca.

Nakapagtala ang Pasay ng 898 active COVID-19 cases nitong Lunes kung saan 141 ang bagong dagdag na kaso.

- TeleRadyo 23 Marso 2021