PatrolPH

SAPUL SA CCTV: Sekyu binugbog ng umano'y anak ng kongresista

ABS-CBN News

Posted at Mar 22 2022 11:23 AM

Watch more News on iWantTFC

MAYNILA — Nakuhanan sa video ang pambubugbog ng isang lalaking nagpakilalang anak ng kongresista sa isang security guard sa BF Homes, Parañaque City.

Ayon sa biktimang si Jomar Pajares, nagpumilit ang lalaki na makapasok ng subdivision kahit walang sticker ang sasakyan nito noong Marso 16.

Paliwanag ni Pajares, exclusive ang gate para sa mga may sticker at itinuro niya na lang ang alternatibong daan upang hindi maantala ang biyahe ng mga grupo ng kalalakihan.

Giit naman ng suspek, may bahay siya sa loob ng BF Homes pero ang address na nakalagay sa lisensiya nito ay Negros Oriental.

Kita rin sa CCTV na dumating sa punto na hinampas ng driver ang guwardiya sa gigil.

Uminit lalo ang ulo ng suspek nang sabihan na kailangan ulit ibigay ang ID nito para mag-U-turn sa loob ng subdivision.

Hinamon din umano ng suspek ang biktima na lumabas ng subdivision at makipagbarilan.

Sa isang video, pinaluhod, sinuntok at sinipa ang guwardiya ng grupo ng mga lalaki na may suot na bulletproof vest.

Dagdag ni Pajares, tinutukan siya ng baril ng suspek pero sinabihan ng kaniyang mga kasamahan na huwag barilin ang biktima dahil maraming tao ang makakakita.

Inaasikaso na ng pamunuan ng BF Homes ang reklamong isasampa laban sa mga suspek. Nangangalap pa sila ng karagdagang ebidensiya at kinukumpirma kung anak ng kongresista ang lalaki. — Ulat ni Anna Cerezo, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.