PatrolPH

Most wanted ng Calabarzon huli matapos ipa-background check ng amo

ABS-CBN News

Posted at Mar 22 2022 06:57 AM

Watch more News on iWantTFC

MAYNILA — Nahuli ng sa Antipolo City, Rizal ang isang lalaking tinaguriang No. 17 most wanted ng Calabarzon region matapos magtago ng halos isang dekada.

Noong 2013 pa inilabas ng korte ang warrant of arrest laban kay Richard Jacinto mula bayan ng Teresa, Rizal para sa kasong murder.

Pero inaresto lang siya nitong Lunes matapos malaman ng amo niya na meron pala siyang kaso.

Ayon kay Antipolo City Police chief Lt. Col. June Paolo Abrazado, nagtago si Jacinto matapos umano makapatay noong 2012.

Limang taon siyang nagtago sa Antipolo, at bumalik lang sa Teresa matapos maalukan ng trabaho bilang tenant farmer.

Pero nag-away si Jacinto at ang kaniyang amo dahil ibinenta niya umano ang mga livestock na pinagkatiwala sa kaniya. Dahil dito, inalam ng amo ang kaniyang background.

Tinanggi ni Jacinto ang paratang ng pagbebenta ng mga hayop pero aminado siyang nagawa niyang manaksak noong 2012 para lang umano protektahan ang pamilya niya.

Paalala ng Antipolo City Police sa mga business owner, i-background check ng maigi bago tumanggap ng empleyado.

Dadalhin si Jacinto sa korte para harapin ang kasong murder.—Ulat ni Mico Abarro, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.