Lasing, 'di nagbayad ng order, nakipaghabulan sa pulis
ABS-CBN News
Posted at Mar 21 2023 08:16 AM | Updated as of Mar 21 2023 08:07 PM
MAYNILA -- Nakipagmatigasan sa mga awtoridad ang isang lasing na lalaki matapos takasan umano ang bayarin nito sa isang bar sa Quezon City nitong Lunes.
Ayon sa imbestigasyon, magdamagang nag-inuman ang suspek kasama ang kanyang kaibigan sa isang bar. At nang sila ay siningil na ng P6,000, wala pala silang pambayad.
Dito na nagtangkang tumakas ang suspek sakay ng kotse, ngunit nasagi nito ang mga sasakyan at motorsiklo sa lugar. At kahit na pinipigilan na siya ng mga rumespondeng pulis, tuloy-tuloy pa rin ang pag-atras abante ng lasing na driver.
Nakipaghabulan pa ang suspek sa mga pulis mula Cubao hanggang Libis.
"Mabilis po yung takbo ng sasakyan. Tapos narinig namin yung 2 beses na binaril yung gulong para huminto yung sasakyan kasi lasing po yung nagda-drive," ayon sa saksi na si Mae Sta. Rina.
Tumanggi namang magbigay ng pahayag ang suspek, na nakakulong ngayon sa traffic sector 3 ng Quezon City Police District.
"Dalawa sila. Yung isang kasama niya nag-iwan ng cellphone bilang collateral. Tinanggap naman ng bar pero yung isa, tumakas. Sumakay sa kotse, pinaharurot," ayon sa district director ng QCPD na si Police Brig. Gen Nicolas Torre III.
Mahaharap ang suspek sa patong-patong na kaso na reckless imprudence resulting in damage to property, disobedience to persons in authority, direct assault, at iba pa.
--TeleRadyo, 21 Marso 2023
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog news, TV Patrol