9 pamilya nasunugan sa QC
Jose Carretero, ABS-CBN News
Posted at Mar 20 2023 07:34 AM
MAYNILA -- Siyam na pamilya ang nawalan ng tirahan sa isang sunog na sumiklab sa Barangay Bahay Toro, Quezon City nitong Linggo ng gabi.
Tatlong unit ng apartment ang apektado ng apoy, ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP).
Kwento ni Emily Vicente na isa sa mga nangungupahan, bandang 6:02 p.m. nang nakita nila na umuusok na ang ikalawang palapag ng isa sa mga unit.
Sa pagmamadali, nagtamo ng minor na paso sa braso si Vicente.
Agad namang nakalabas ang mga nangungupahan sa nasunog na mga unit.
Ayon kay SFO4 Rolando Valeña, arson investigator ng Quezon City Fire District, mabilis na kumalat ang apoy sa ikalawang palapag ng mga unit dahil karamihan sa mga ito gawa sa light materials.
Ang ibabang bahagi ng nasunog na mga unit, hindi naman gaanong natupok, ayon sa BFP.
Maliban sa isa sa mga tumulong sa pag-apula ng apoy na nagkaroon ng sugat sa paa, wala namang ibang naiulat na nagtamo ng malalang injury, ayon sa BFP.
Umabot sa unang alarma ang sunog na nagtagal nang mahigit 20 minuto.
Pero bago mag-alas otso nang muling sumiklab ang apoy na agad namang naapula ng mga bumbero.
Nasa covered court ng barangay hall ngayon naninirahan ang mga nasunugan.
Ayon sa BFP, posibleng problema sa electrical system ng paupahan ang pinagmulan ng sunog.
Nanawagan din ang BFP sa mga residente na mag-doble ingat, lalo ngayong mainit na ang panahon.
--TeleRadyo, 20 March 2023
sunog, fire, barangay bahay toro, quezon city, TeleRadyo