PatrolPH

Residential area sa Taguig nasunog; daan-daang pamilya apektado

ABS-CBN News

Posted at Mar 18 2022 06:14 AM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA—Daan-daang pamilya ang nawalan ng tirahan matapos masunog ang isang residential area sa Taguig City ang natupok Huwebes ng gabi.

Ayon sa Bureau of Fire Protection, sumiklab ang residential area sa Barangay Maharlika bago mag alas-11 ng gabi. 

Umabot umano ang sunog sa ikatlong alarma bago ito naapula bandang ala 1:37 ng Biyernes ng umaga.

Ani city fire director Bernard Rosepe, nahirapan silang apulahin ang apoy na mabilis kumalat dahil gawa sa light materials ang karamihan sa bahay.

Base sa huling update ng BFP, tinatantyang higit-kumulang 300 pamilya ang apektado ng sunog.

Kabilang sa nilamon ng apoy ay ang tahanan ni Haron Guimadil na nagbabaka-sakaling may mailigtas pa sa bahay niya. Sa bilis ng pangyayari, hindi na siya nakapagsuot ng tsinelas.

Ang residente ring si Rohana Kasan, naabo ang pinag-ipunang P36,000 ng ilang taon sa pagtitinda ng puto.

Ayon sa mga nasunugan, sa malapit na eskwelahan daw sila pansamantalang tutuloy.

Tinatantsang nasa P750,000 ang halaga ng pinsala ng apoy.

Kinukumpirma pa ng mga awtoridad kung may namatay sa insidente.—Ulat ni Anna Cerezo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.