PatrolPH

Bagong solid waste facility ng MMDA, pinasinayaan

ABS-CBN News

Posted at Mar 18 2021 03:31 PM | Updated as of Mar 18 2021 07:02 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA (UPDATE) - Pinasinayaan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang isang solid waste granulator at brick-making facility sa Tondo, Maynila, Huwebes ng umaga.

Sa inauguration ceremony, sinabi ni MMDA Chairman Benhur Abalos na layon ng naturang equipment na makatulong na mabawasan ang itinatambak na basura sa mga landfill at basurang bumabara sa mga pumping station.

Aprubado naman ang naturang granulator na naka-patent sa isang Pinoy. 

Ayon pa kay Abalos, ang mga biowaste plastic na makokolekta mula sa mga basura ay dudurugin ng equipment na maaring gamitin na materyales sa paggawa ng bricks o hollow blocks at maging ng concrete barrier.

Ang mga naihiwalay na basura ay ilalagay sa surveyor para sa final sorting at segregation. Ang mga biodegradable at plastic na basura ay sasalang sa bio-waste granulator equipment habang ang mga salamin ay dudurugin gamit ang bottle crushing machine. 

Maaari din i-donate ang concrete barrier sa ibang local government units para sa kanilang bike lanes.

Naniniwala ang MMDA chairman na malaking tulong din ito para mabawasan ang panganib ng mas matinding pagbaha sa mga mga vulnerable communities sa Metro Manila. 

“Let me assure you that we will continuously collaborate with foreign and local experts, other government agencies, private sector and non-government organizations towards our move from singular success stories to beneficial efforts at a larger scale in disaster prevention and mitigation,” aniya. 

“Let us maximize all the available platforms and aim for sustainable and synergized solutions to prevent disastrous effects of flooding caused by garbage,” dagdag ng opisyal. 

Ang mga makokolektang basura ay isasailalim pa rin daw sa disinfection bago ang paghihiwalay nito ng mga tauhan ng MMDA. 

Nagpahayag naman ng suporta at pagpapasalamat si Barangay Chairman Ernesto Castillo ng Barangay 147 na nakakasakop sa lugar at sinabing malaki ang maitutulong nito para mabawasan ang basura.

- Ulat nina Raya Capulong at Johnson Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.