PatrolPH

Fuel subsidy na alok ng QC, pinilahan ng tricycle drivers

ABS-CBN News

Posted at Mar 17 2022 10:27 AM

Watch more News on iWantTFC

MAYNILA - Maagang pinilahan ng mga tricycle drivers ang fuel subsidy na alok ng lokal na pamahalaan ng Quezon City nitong Huwebes.

Iba pa ito sa fuel subsidy na nakatakdang ipamigay ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board sa mga tricycle drivers.

Sa Payatas, maagang pumila ang ilang tricycle operators para sa P500 fuel vouchers. May ilang mga driver ang puwedeng pumila kung papayagan sila o bibigyan ng authorization letter ng kanilang mga operator. 

Sa panayam ng Teleradyo kay Rico Aquino, isang dekada nang tricycle driver, hindi siya nakapila dahil ang operator niya ang tatanggap ng fuel subsidy. 

Nasa P400 hanggang P500 lang ang kaniyang kinikita sa isang araw lalo na bumaboundary lang siya. Hindi rin sila araw-araw puwedeng bumyahe kaya pinagkakasya na niya yun sa ilang araw na nakatengga siya.

May 1 taong gulang din na anak na binubuhay si Rico. Panawagan niya na sana ay dumating agad ang mas malaking fuel subsidy mula sa LTFRB at maambunan siya ng ayudang ito para sa kaniyang pamilya.

Una nang sinabi ng LTFRB na humihingi sila ng masterlist ng mga kwalipikadong tricycle driver para maabutan ng ayudang pinansyal.

Nagumpisa na rin itong mamahagi ng P6500 subsidy para sa ilang mga public utility vehicle drivers gaya ng jeepney at UV express drivers.

--Ulat ni Lyza Aquino, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.