PatrolPH

Minimum jeepney fare balik P9 sa Metro Manila

Izzy Lee, ABS-CBN News

Posted at Mar 16 2023 06:44 AM | Updated as of Mar 16 2023 07:10 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA -- Babalik sa P9 ang bayad sa pamasahe sa mga tradisyunal na jeepney matapos aprubahan ng gobyerno ang fare discount sa mga public utility vehicles sa Metro Manila.

Tatlong piso ang ibabawas nito sa kasalukuyang minimum fare na P12 pesos.

P11 naman ang magiging bayad sa modernized jeepney. 

Matatapyasan din ng P3-4 ang pamasahe sa bus.

Samantala, pinag-aaralan pa ang magiging fare discount sa mga UV Express.

Watch more News on iWantTFC

Sa isang panayam sa TeleRadyo, sinabi ni Pasang Masda President Obet Martin na ang diskwento sa pamasahe ay maaaring bunga ng kanilang diskusyon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at Department of Transportation. 

"Noong araw yung bus carousel, inabot yan hanggang December 31 of 2022. Yung service contracting ng (public utility jeep), traditional at modern jeep inabot lang po kami ng July," kuwento niya.

"Kaya yung mga previous meeting po namin kay Secretary, kay Chairman (Teofilo) Guadiz ng LTFRB, ng DOTR, sabi namin bakit ganoon puro mayayaman lang ang sine-serve? Puro Makati. Samantalang itong mahihirap nating mananakay sa traditional jeep,modern jeep, nagtatrabaho sa mga maliliit na construction, nagtatrabaho sa mga barbero...dapat mabigyan ng din po namin."

Paglilinaw ni Martin, may hangganan ang diskwentong ibinigay ng pamahalaan.

"Ito, po ay pansamantala lamang, kasi may pinaglalaanan po ng budget, kasi ang gagawin po dyan ng ating pamahalaan sa aking kaalaman, ang mga traditional jeepneys na nag-consolidate at mga modern jeepneys na nag-consolidate, coops and korporasyon, sila po ang subject dito," aniya.

"Ito po ay merong terms of limits, hindi naman po ito panghabang panahon. Kundi yung pondo, pag naubos, ibabalik na rin po natin doon sa dating bayarin o pamasahe."

Samantala, natuwa naman ang mga commuter sa balita ng pagbabawas ng pamasahe. 

Ang real estate agent na si Jhunde, malaki ang nagagastos sa pamasahe araw-araw dahil sa kaniyang trabaho.

Mahigit isang daang piso rin ang ibinabayad ng security guard na si Saad sa pagsakay sa jeep at bus mula Maynila papasok sa kaniyang trabaho sa Pasay.

Anila, malaking tulong ito sa mga commuter kagaya nila lalo na't wala na ang libreng sakay sa EDSA bus carousel.

Anim na buwan simula Abril epektibo ang fare discount na ipatutupad muna sa Metro Manila bago ipatupad sa mga karatig na probinsya.

--TeleRadyo, 16 Marso 2023

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.