PatrolPH

Mall, residential area nasunog sa QC

ABS-CBN News

Posted at Mar 15 2022 07:17 AM | Updated as of Mar 15 2022 08:27 AM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA—Nasunog ang isang bahagi ng Robinsons Magnolia mall sa Quezon City, Lunes.

Sa isang statement, kinumpirma ng pamunuan ng mall na sa ika-3 palapag nito nag-umpisa ang sunog na nag-umpisa alas-5 ng hapon. 

Iginiit nila na isolated case ito at hindi nadamay ang iba pang bahagi ng mall.

Ayon kay Mary Shawnn Quial, isa sa tenant ng mall, una nilang napansin ang paglabas ng mahinang usok sa isang exhaust vent hanggang sa tuluyan itong lumakas.
 
Dito na sila sinabihan na iwanan na ang mga puwesto at lumabas ng mall.

Mag-aalas 9 ng gabi nang ideklarang fire-out ang sunog.

Ayon sa Bureau of Fire Protection, aabot sa P8 milyon umano ang pinsala sa mga ari-arian sa loob ng mall.

Wala namang naiulat na nasaktan sa insidente bukod sa isang babae na agad na binigyan ng first aid matapos mahilo dahil sa kapal ng usok.

Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng BFP.

Samantala, isang residential area sa Barnagay Bahay Toro sa Quezon City ang nasunog dakong ala-1 ng madaling araw Martes.

Ayon kay fire inspector Rodrigo Delos Santos ng BFP Quezon City, nagsimula ang apoy sa ika-2 palapag ng bahay ng isang Ruben Cunanan.

Nadamay ang iba pang katabing tirahan at 12 pamilya ang naapektuhan.

Isa dito si Gina Trinidad, isang tindera ng gulay na nanawagan ng tulong lalo na't wala silang naisalba.

Sa mga nais magpaabot ng tulong maaari kayong makipag-ugnayan sa official ng Bahay Toro.—Ulat ni Lyza Aquino, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.