PatrolPH

Karinderya na puntahan ng mga tsuper, taxi driver matumal na rin ang benta

Reiniel Pawid, ABS-CBN News

Posted at Mar 15 2022 01:57 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA—Ramdam na rin ng mga karinderya owner ang epekto ng patuloy na pagtaas ng produktong petrolyo.

Maliban sa nakalululang presyo ng liquefied petroleum gas o LPG na lampas P1,000 ang halaga, tumutumal na rin umano ang kanilang benta.

Ang mga suki kasi nilang tsuper ng jeep at taxi drivers doble-higpit sinturon na rin at hindi na kumakain sa mga karinderya.

Ito ang napansin ng mga karinderya owner simula nang magsunod-sunod ang pagsirit sa presyo ng gasolina at diesel.

"Nabawasan ng konti kasi mahal na gasolina. Konti na lang nagbibiyahe," ani Mary Jane Ramos.

Apektado man ng oil price hike, dinidiskartehan na rin ng mga negosyante kung paano mapananatili sa murang halaga ang kanilang mga lutong ulam.

Portioning o limitadong sukat na lamang umano ang kanilang ginagawa sa takal ng mga ulam.

Kung patuloy umanong kakaunti ang kanilang customer, hindi malabong sa mga susunod na linggo ay tuluyan na silang magsara dahil sa pagkalugi.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.