PAO umalma sa pahayag ng foreign dengue expert

ABS-CBN News

Posted at Mar 15 2018 04:19 PM

Watch also in iWantTFC

Umalma ang Public Attorney's Office (PAO) sa naging pahayag ng dengue expert na si Dr. Scott Halstead na hindi sapat na batayan ang awtopsiya sa epekto ng Dengvaxia.

Sa pahayag sa DZMM Huwebes ng umaga, sinabi ni PAO Forensic Laboratory Services Director Erwin Erfe na mismong ang French pharmaceutical company na Sanofi Pasteur na ang nagsabi noong 2015 na ang kanilang produktong Dengvaxia ay nagdudulot ng neurotropism at viscerotrophism.

"Multi-organ failure at ang apektado ang utak at ito nga po ang nakikita natin sa maraming biktima," pahayag ni Erfe.

Binanggit din ni Erfe na ang awtopsiyang ginagawa ng PAO ay bahagi ng forensic investigation at case build-up para sa mga namatayan.

"Kung 'di po tayo mag e-examine ng katawan ng mga nagkasakit at namatay, paano po ang ebidensiya na gagamitin ng mga complainant?" sabi ni Erfe.

Nasa 36 na ang mga biktimang naeksamin ng PAO, ayon kay Erfe.

"36 na po ang nagawa namin at ngayong araw may eeksaminin pa rin kami. Kahapon 11 and 12-years old ineksamin namin namatay din po pagkatapos mabakunahan ng Dengvaxia," sabi ni Erfe.

Nangako si Erfe na hindi naman mapipigilan ang pageeksamin nila sa mga biktima ng Dengvaxia sa kabila ng mga sinabi ni Halstead.

"Si Dr. Halstead ay nandito ngayon kasama sa expert panel ng DOH [Department of Health]. They expect him to toe the line ng DOH saka ng PGH [Philippine General Hospital] panel. Alam namin na sunod-sunod na araw nagme-meeting sila at ine-expect namin anytime magbibigay sila ng statement at definitely pabor ito sa sinasabi ng DOH at saka ng PGH panel,” sabi niya.

- DZMM, 15 March 2018

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.